Feb 17, 2010 1
Saglit–
Naghihintay ako palagi. Naghihintay at nagyoyosi; naninigarilyo, hinihintay lumipas ang oras: sa tabi ng kalsada para sa jeep, sa mahahabang pila sa ATM, sa sukli sa isang tinderang kinulang ang barya, sa klaseng nakakaantok, sa mga eksenang dapat isulat, sa mga librong dapat basahin. Kada buga ay ang inaasam-asam na sandaling darating ang hinihintay.
Minsan nakita ko ang sarili kong nakaupo sa gitna ng kalsada kahihintay.
Minsan nakita ko ang sarili kong naninigarilyo habang nakahiga sa kama, ang katawa’y nakaharap sa bandang lamesa, ang mata’y nakatitig sa orasan.
Minsan naman ay sa tabi ng gwardyang inaantok sa labas ng ospital, naninigarilyo. Minsan pa nga’y sa loob mismo ng ospital, ang kamay ay pagod, kinukumutan ang hapung-hapong mukha.
Hinihintay kong dumating ako sa bahay. Hinihintay kong lumambot ang adobo, ang kanin na mainin, ang kanta sa radyo na matapos. Hinihintay kong maubos ang nasa hapag-kainan, ang kinaing tanghalian na bumaba. Marahil ay kawalang-bahala sa buhay ang ibig sabihin kapag hinintay ko pang mapundi ang ilaw, matangay ang yero ng bagyong mabangis.
Nakakapanlumong isipin na minsa’y nakatitig lang ako sa salamin, nakatayo at naninigarilyo.
Hinihintay kong hindi maging akin ang isang buhay na walang pinatutunguhan at walang ninanais kundi ang maghintay at manigarilyo. Taktak dito, taktak doon; ang abong nagkalat, ang usok na pumapanhik sa himpapawid; ang orasang nambibingi, ang isipang nangongonsensya.
Minsan nakita ko ang sarili kong init na init, ang pawis tuluy-tuloy ang pagtagaktak, ang katawa’y binibigay ang kinahahayukan habang naninigarilyo.
Ngunit ni minsa’y hindi ko nakita ang sarili kong naninigarilyo at tangan sa isipan ang masayang takbo ng buhay, ang masarap na pagkakaluto ng hapunan, ang galak sa ritmika ng isang tugtog, ang ngiting bakat sa mga papel na tinadtad na katha ng mga simbuyo ng silakbo ng damdamin at irit ng inspirasyon.
Ngayong ang dibdib naninikip, ang lalamunan gumagaralgal, ang boses tumatahol, ano pa nga bang dapat hintayin?



